Pulong Duterte, Inirereklamo ng Pananakit Dahil sa Di-Pagbabayad sa 'Bugaw'
Nakakabahala Ang Blind Faith sa mga Duterte: Ang Karahasan ng Pamilya Duterte at ang Walang Katapusang Blind Faith ng iba sa kanilang Pamilya.
Minsan pa, ang pamilya Duterte ay nasa sentro muli ng kontrobersiya, at hindi ito dahil sa positibong balita. Kamakailan, kumalat ang balita at video na nagpapakita ng umano'y pananakit ni Davao City First District Representative Paolo "Pulong" Duterte sa isang negosyanteng nagngangalang Kristone John Patria. Ang nakababahala rito ay hindi lamang ang akto ng karahasan mismo, kundi ang ugat ng insidente at ang tila walang katapusang pagbubulag-pagbulagan ng ilang Pilipino sa mga paulit-ulit na insidente ng kontrobersya ng karahasan na kinasasangkutan ng pamilyang ito.
Ayon sa mga lumabas na ulat, ang insidente ay naganap sa isang bar sa Davao City noong madaling araw ng Pebrero 23. Sa CCTV footage na kumalat, makikita ang isang lalaking sinasabing si Pulong Duterte na nakikipagsagutan, nandidikdik, at tila nananakit ng isang lalaking nakasumbrero. Mas naging nakakagulat ang rebelasyon mula kay Patria, na umamin na siya ay isang "bugaw," na ang ugat ng gulo ay may kinalaman sa hindi umano tamang pagbabayad para sa mga babaeng ibinugaw niya para sa mga bisita ni Duterte.
Karahasan sa Kabila ng Bilyong Pondo
Nakapanlulumo na ang isang kongresista na may tinatamasa nang bilyon-bilyong pondo sa ilalim ng impluwensya ng kanyang ama, ang dating Presidente Rodrigo Duterte, ay masasangkot sa ganitong uri ng eskandalo. Mula sa mga ulat, ang kongresistang anak ni Digong ay hindi lamang nakikisalamuha sa gawaing ilegal tulad ng pagbubugaw, kundi may kasama pa itong karahasan, smuggling at kalakalan ng illegal na droga. Ang ideya na isang mambabatas na sumusumpa na maglingkod sa taumbayan ay sangkot sa ganitong mga aktibidad ay isang malaking sampal sa mukha ng hustisya at moralidad.
Kung totoo ang mga pahayag ni Patria na hindi lahat ng kanyang mga kasama ay nabigyan ng babae, at mas nainis pa si Duterte nang magkaroon ng isyu sa bayad, ito ay nagpapakita ng isang malalim na problema sa karakter at pag-uugali. Ang pagiging agresibo at pananakit, lalo na sa gitna ng isang isyu na may kinalaman sa hindi tamang pagbabayad sa ilegal na aktibidad, ay nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa batas at sa karapatan ng ibang tao, higit sa lahat, sa kaban ng bayan.
Ang Kasaysayan ng Karahasan ng mga Duterte
Ang insidenteng ito ay hindi isolated. Sa katunayan, tila may record ng pagiging bayolente ang pamilya Duterte. Hindi na bago ang mga balita ng pagiging mainitin ang ulo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na madalas mauwi sa pagbabanta at pambabastos. Si Mayor Sara Duterte, sa kabilang banda, ay minsang naging viral sa pagsapak sa isang sheriff at pagbabanta sa mismong Presidente at pamilya nito. Ngayon, si Paolo Duterte naman ang nasa hot seat. Nagiging isang nakababahalang pattern na ang karahasan ay tila bahagi na talaga ng kanilang mga pagkatao.
Ang pagtatangkang ipasa ng Bise Presidente ang sisi sa "political attack" ng administrasyong Marcos ay isa nanamang divertionary tactic. Paano ipapahid ang ginawang pananakit umano ng kanyang kapatid sa kasalukuyang administrasyon, lalo pa at mismong si Pulong Duterte ay hindi itinatanggi ang naturang video? Ang ganitong pagtanggi sa responsibilidad at paglilipat ng sisi ay nagpapahiwatig ng kakulangan sa accountability.
Ang Nakakabulag na Pananampalataya
Ang pinaka-nakakagulat sa lahat ay ang katotohanang sa kabila ng lahat ng ebidensya at mga ulat, napakarami pa ring Pilipino ang nananatiling nabubulagan sa kanila. Patuloy silang sumusuporta, ipinagtatanggol ang mga miyembro ng pamilya Duterte, at minsan pa, iniaangat pa sila sa kapangyarihan. Ito ba ay dahil sa charisma? Takot? O sadyang napakalalim na ng ugat ng padrino system sa ating kultura?
Panahon na para magising ang sambayanan. Hindi maaaring balewalain nalang palagi ang mga insidente ng karahasan, lalo na kung ito ay galing sa mga taong nasa posisyon ng kapangyarihan. Ang mga mambabatas ay nararapat maging modelo ng paggalang sa batas at karapatang pantao, hindi ang kabaligtaran. Kung patuloy nating ipinapikit ang ating mga mata sa ganitong mga gawi, masisiguro lamang natin na ang kultura ng karahasan at kawalan ng accountability ay patuloy na mamamayani sa ating lipunan.
Ang isyu ni Congressman Paolo Duterte ay hindi lamang isang simpleng away-bar. Ito ay isang paalala sa atin ng mas malalim na problema sa pamamahala at sa ating sariling pagpili bilang mamamayan. Panahon na upang maging mas kritikal, mas mapagbantay, at mas may paninindigan para sa isang lipunang malaya sa karahasan at katiwalian.
Comments
Post a Comment